Sa bawat pagpatak ng ulan at malamig na simoy ng hangin
Marahan akong tumingin sa kalangitan at tahimik na nanalangin
Isipan ngayo'y napupuno ng katanungan at pagkabahala
Paano nga ba gagaan ang mabibigat na mga problema?
Sabi nila, ang buhay ng tao ay tuwirang isang sikulo
Minsan nasa taas, minsan nasa baba, sobrang komplikado
May mga bagay talaga na nangyayari na hindi natin inaasahan
"Bakit ba ganito ang takbo ng buhay ko? Hindi ko maintindihan"
May mga tao tayong nakakasalamuha na may pinagdadaanan
At hindi nila ito naipapakita sa panlabas na kaanyuan
Maaaring nakangiti ang mga labi ngunit sa likod ng maskara
May itinatagong mga luha at pasakit na nadarama
Sa patuloy na pag-ikot ng mundo
May mga pangyayari sa buhay na hindi natin kontrolado
Huwag sanang pagkaitan ang sarili ng pagmamahal
Ating pahalagahan ang buhay na ibinigay ng maykapal
Kailangan nating buksan ang mga mata at isipan
Hindi dapat husgahan ang mga taong nasa sukdulan
Sapagkat sila ay nahihirapan na magpatuloy
Labis na kalungkutan at paghihirap ang sakanila'y dumadaloy
Sa kabila ng lahat ng mga pagsubok, may kalakip na pag-asa
Isang bagong simula, panibagong yugto na masagana.
Kaya't kahit hindi sigurado sa maaaring mangyari sa kinabukasan
Huwag iisipin ang pagsuko, patuloy parin tayong lumaban.
Hindi masamang humingi ng tulong sa kahit kanino man
Maaaring sa kapatid, sa magulang, o kaibigan
Sa nakakapagod na mundong ito, sila ang ating magsisilbing pahinga
na makakapagbigay ng labis na pang-unawa at simpatya
sa paglipas ng oras at paglaon ng mga panahon,
Tayo ay makakausad, makakaahon at makakabangon
Ang puso at isipan ay muling magiging payapa at malaya
Naniniwala akong ito ang tunay na nakatakda
No comments:
Post a Comment