I always wondered, "totoo ba talaga ang Diyos?" Naaalala ko dati nung bata ako, lagi akong napipilitan magsimba, tuwing misa, lagi akong inaantok at hindi nakikinig sa sermon ng pari. May mga pagkakataon din na minsan hinihiling ko na "sana hindi ako pilitin ni mama na pumunta ng church ngayon." Hanggang sa lumaki na kami ni kuya, nagkaroon na ng sariling isip, hindi na kami pinipilit.
Laki talaga akong Catholic School, simula Nursery hanggang sa mag-grade 12, laging kasama sa mga tinuturo samin si God. May mga naging subject na Religion, CLE, at Theology. Hanggang sa natuto ako ng mga bagay na dapat ginagawa talaga ng isang mabuting katoliko.
Si mama, laging nagdadasal. Tuwing tutulog at kakain nagpapasalamat siya. Yung tingin ko sa sarili ko, hindi ako masyadong naniniwala dati kasi hindi ko maintindihan, isang konsepto ba ang diyos na dapat na paniwalaan kahit na walang ebidensya at kahit anong basehan?
Naalala ko dati nagkaroon sa amin ng Volunteer Catechist nung grade 9 ako. Sabi ko sa sarili ko gusto kong sumali kasi halos lahat ng mga kaklase ko kasali kaya linggo-linggo silang nagco-collect sa simbahan ng aming bayan. Hindi ako pinayagan ni mama at papa na mag-collect sa hindi ko malamang dahilan. It was year 2019. Nung dumaan ang 2020, biglang nagkaroon ng pandemya na nakaapekto sa buong mundo, lahat tumigil, nawalan bigla ng saysay yung pagkatao ko. During those times mas lalong lumayo yung loob ko sa diyos kasi nagsabay-sabay lahat. Sinisi ko lahat ng mga nangyari sakin, lahat ng masasakit na ginawa sa akin ng mundo, sa diyos ko binuhos, kaya mas lalong hindi ako naniwala.
After 2 years, 2022, naging adviser naman namin si Mrs.Mallari. Theology teacher din namin at lagi kaming sinasabihan na mag-volunteer daw tuwing linggo sa simbahan sa katabi ng school namin. Nung mga panahong yon, gusto ko talaga magbalik loob sa diyos, gusto kong maniwala na totoo siya, masyado akong napahiwalay, masyadong naging mali yung direksiyon na pinaroroonan ko sa buhay. Hanggang sa linggo-linggo na akong nagse-serve sa simbahan. Walang kahit anong likdang, kinukumpleto ko yung pagsimba ko. Pero nung mga panahong yon, hindi ko pa masyadong maramdaman yung mismong presence ng diyos kasi parang ginagawa ko lang yung pagse-serve para lang masabi ko sa sarili ko na bumabawi ako sa lahat ng pagkukulang ko. Parang hindi pa masyadong bukal sa loob ko kasi ginagawa ko lang yun lahat dahil sa guilt at sa konsensya ko.
Hanggang sa dumaan ang simbang gabi, dun ko naramdaman. Tumigil muna ako sa pagse-serve sa simbahan ng aming bayan. Dun ako nagsimba sa tuklong malapit sa bahay namin. Lagi akong dumadating doon ng saktong umpisa ng misa kaya hindi ako nagkakaroon ng pagkakataon na makaupo sa loob. Sa buong simbang gabi, nakatayo lang ako sa labas, at sa pagtugtog at pagkanta ko ng ama namin sa bawat simbang gabing aking napuntahan, laging akong umiiyak, humihingi ng gabay at patawad sa mga nagawa kong kasalanan.
Alam kong hindi ako yung taong pala-simba, pero sa lahat ng napagdaanan ko, kahit talikuran man ako ng lahat ng taong akala ko kakampi ko, alam kong hinding-hindi ako tatalikuran at kakalimutan ng diyos kahit na paulit-uit man akong gumawa ng kasalanan, naniniwala akong lagi niya akong papatawarin at gagabayan.
Sa mga pagkakataong mahina ako, Siya ang nagsisilbing lakas at pahinga ko.
No comments:
Post a Comment